Ang kwento ng tatlong demonyo..
Wednesday, April 28, 2010
"ANO ANG MAPAPAKINABANG NG TAO MAKAMTAM MAN NIYA ANG BUONG DAIGDIG KUNG MAPAPAHAMAK NAMAN ANG KANIYANG KALULUWA?"
(Marcos 8:36)
May matandang kuwento tungkol sa tatlong demonyong nagtatalo kung ano ang pinakamabuting paraan upang sirain at ipahamak ang kaluluwa ng mga tao sa mundo.
Sinabi ng unang demonyo, "sabihin natin sa lahat ng Kristiyano na alamat lamang at isang kuwentong hindi totoo ang Biblia, gawa lang ito ng tao."
"Hindi, hindi uubra yan", ang sabi ng pangalawang demonyo. "Itanim natin sa isipan nila na walang langit o impiyerno. Alisin ninyo ang takot nila sa kaparusahan at tiyak na hindi maniniwala ang tao."
Sinabi ng pangatlong demonyo, "May higit na mabuting paraan. Sabihin ninyong may Diyos, na kinasihan ng Espiritu Santo ang Biblia, na may langit at impiyerno. Oo, ngunit ibulong natin tuwina sa tainga nila na hindi kailangang magmadali, SAKA NA LANG, may bukas pa naman."
"Ibulong natin tuwina sa tainga nila na saka na lang maglingkod sa Diyos, saka na lang ipadama ang pagmamahal at pagkalinga sa pamilya. Buhay pa naman sila. Saka na lang magbago, ipagpatuloy ang masasamang ugali at bisyo. Magpakalulong muna sila sa alak, sigarilyo, sugal, babae at shabu."
"Higit sa lahat ulit-ulitin natin at paghariin sa puso nila, "Enjoy now", magpakasawa ka muna ngayon, ikaw nama'y malakas pa sa kalabaw, hindi ka pa MAMAMATAY."
At nagkasundo sila. Tuwang-tuwa si Satanas sa napakagandang paraan upang ang mga kaluluwa ng sangkatauhan ay mapunta sa kapahamakan at kaparasuhang walang hanggan.
Kailangan pa bang ang tao'y mapahamak, dumanas ng kabiguan, magkaroon ng malubhang karamdaman upang ang kasalanan ay talikdan at layuan?
Ngayon ang panahon upang ang Diyos ay sampalatayanan, sundin, mahalin at paglingkuran.
"Yamang kami'y mga katulong sa gawain ng Diyos, ipinamamanhik namin sa inyo na huwag ninyong sayangin ang pagkakataong ibinigay sa atin ng Diyos. Sapagkat sinasabi niya, "Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita, sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita." tignan ninyo! Ngayon na ang panahong nararapat! Ngayon ang araw ng pagliligtas!"
(2 Corinto 6:1-2)
NGAYON ang tamang panahon upang si Hesus ay tanggapin at sa puso ay paghariin.
"Nakatayo ako sa labas ng pintuan at tumutuktok. Kung diringgin ninuman ang aking tinig at bubuksan ang pinto, ako'y papasok sa kanyang tahanan at magkasalo kaming kakain."
(Pahayag 3:20)
0 comments:
Post a Comment